MANILA, Philippines – Libu-libong mga out-of-school youth (OSY) at jobless na Manilenyo ang kasalukuyan ay masusing sinasanay ng administrasyon ni Mayor Joseph Estrada upang makapag-trabaho sa mga pangunahing kompanya sa lungsod simula sa susunod na taon.
Sa pakikipag-partner ng Manila Manpower Development Center (MMDC) sa Ermita-Malate Business Owners’ Association (EMBOA), may halos 2,000 OSY at mga housewife ay nabibigyan ng work-and-livelihood training sa mga ibat-ibang kurso, ayon kay Estrada.
Ang EMBOA, na pinamumunuan ni Michelle Pe, ay may 130 member-companies, kabilang ang mga hotel, restaurant, shopping center, at iba pang nasa hospitality and service industry sa Ermita-Malate area.
Ilan sa mga nangungunang miyembro ng EMBOA ay ang Manila Hotel, Bayview Park Hotel, Diamond Hotel, Manila Ocean Park at Robinsons Place Manila.
Ayon kay Rene Piñon, hepe ng MMDC, ang mga kursong inaalok nila sa mga walang trabaho ay barista; hotel and restaurant services; massage therapy; cooking and food processing; baking; garment trade; fashion jewelry making; beads assembly; unisex haircutting; beauty care; at foot spa.
Bukod dito, ang ibang graduates ay nakakakuha din ng trabaho sa ibang kompanya sa pamamagitan ng Manila Public Employment Service Office (PESO) na magkatuwang na pinangangasiwaan ng Department of Labor and Employment (DoLE) at ng pamahaang lungsod.