MANILA, Philippines – Hindi magiging eksklusibo para kay convicted US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ang inihahandang pagkukulungan rito sa custodial center ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa Camp Aguinaldo .
Ito ang tiniyak kahapon ni Defense Secretary Voltaire Gazmin kung saan inaayos na ang nasabing detention facility para maipantay sa internasyonal na pamantayan na hiniling ng Estados Unidos .
Sa katunayan, ayon kay Gazmin ang detention facility na isinasaayos para pagkulungan kay Pemberton ay minsan nang naging kulungan ng mga sundalong coup plotters na nasangkot sa Oakwood mutiny noong Hulyo 2003 na dating pinamunuan ng mga lider nito sa pamumuno ni dating Navy Lt. Junior Grade at ngayo’y Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Gazmin, patuloy pa ang pagre-repair o pagsasaayos ng nasabing detention facility para paglipatan kay Pemberton.
Ayon kay Gazmin walang gagastahin sa pagsasaayos nito ang Defense Department at maging ang AFP kung saan ang gastusin ay paghahatian ng Bureau of Corrections (BUCOR) at ng US Embassy.
Samantalang dahilan inaasahan na ang mga kilos protesta ng mga militanteng grupo at ng pamilya at mga kamag-anak ng Pinoy transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer na pinaslang ni Pemberton, sinabi ni Gazmin na hindi nila ito hahadlangan basta’t naayon sa batas ang mga pagkilos.
Nilinaw naman ng Kalihim na ang BUCOR operatives ang magbabantay kay Pemberton at susuporta lamang ang mga sundalo habang secondary guards naman ang US forces.
Una rito, inihayag ni BUCOR Director Undersecretary Ricardo Rainier Cruz III na kabilang sa upgrading ng detention facility ay ang paglalagay ng CCTV cameras, barbwires, pagpipintura, pagkukumpuni ng barracks at kusina ng piitan.