Pangulo ng bansa dapat may basbas ng taumbayan – Sen. Grace

Sen. Grace Poe

MANILA, Philippines – Bagaman at binatikos ni Pangulong Benigno Aquino III, sinabi kahapon ni Sen. Grace Poe na tama ang punong ehekutibo nang sabihin nito na walang sinumang gigising na lang bigla at kayang baguhin ang bukas ng Pilipinas, lalo na kung ang taong ito ay walang “basbas” ng mga mamamayan.

 Ayon kay Poe, tama naman si Aquino na hindi madali ang proseso at mahalaga ring may basbas ng mga mamamayan ang lider ng bansa.

“Tama ang ating Pangulo na hindi madali ang proseso na ito. Sama-sama tayo dito. Kaya nga po importante na ang isang lider na ihahalal natin ay totoong pinili ng taumbayan,” ani Poe.

Muling binigyang-diin ng senadora na kailangan ng bansa ng isang tao na makapagtatatag at makapamumuno ng isang gobyerno na bukas, walang itinatago at may pananagutan, upang makuha nito ang suporta ng taumbayan sa pagha­hangad nito ng tunay na “inclusive growth” at “global competitiveness.”

“Nakikita naman natin na si Pangulong Noynoy ay may mandato. Marami siyang nagawa pero hindi pa rin ganoon kadali. Lalo na siguro ang isang tao na wala namang tunay na pagpili ng taumbayan,” ayon kay Poe. 

Inilabas ni Poe ang naturang pahayag sa Surigao, nang magprisinta siya ng kanyang plataporma de gobyerno, kasama ang kanyang running mate na Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Samantala, sinabi muli ni Poe na aapela siya sa COMELEC en banc kaugnay sa disqualification case at kung kakailanganin, ilalaban niya ang kanyang kaso hanggang sa Korte Suprema dahil hindi  umano niya ito laban kundi laban din ng sambayanang Pilipino kaugnay ng kanilang karapatan na mamili ng kung sino ang gusto nilang iluklok sa Malakanyang. 

“Ang masasabi ko lamang, ako po ay mapapagkatiwalaan ninyong hindi kayo nanakawan, at ako ay mapapagkatiwalaan ninyo na hindi ko kikilingan ang sino man kung ito ay hindi nararapat at kung ito ay hindi makakatulong sa ating bayan,” anang senadora.

Sinabi ni Poe na hindi maaatim ng Pilipinas na magkaroon ng isang lider na hindi kayang makapagbigay ng solusyon sa problema ng bansa sa agrikultura, trabaho, at korupsyon. Tinukoy ni Poe ang problema sa mass transport ng Pinas bilang pruweba diumano ng kapalpa­kan at kapabayaan ng ilang opisyal na gawin ang kanilang mga trabaho. 

 

Show comments