Miriam: Poe, di natural-born Pinoy
MANILA, Philippines – Nagsalita na si Sen. Miriam Defensor Santiago tungkol sa isyu ng citizenship ng kapwa senador at kandidato bilang Pangulo na si Grace Poe.
Mainit ang usapang ito dahil sa pagkaka-disqualify ng Commission on Elections kay Poe bilang kandidato dahil hindi nito hawak ang kwalipikasyong 10 taong naninirahan sa Pilipinas dahil noong 2006 lamang siya naging Pilipino muli. Matatandaang isinuko ni Poe ang kanyang citizenship para maging Amerikano.
“No she’s not. I’m sorry,” sabi ni Santiago ng tanungin kung sa paningin niya ay natural-born Filipino si Poe. Binanggit ni Santiago na ang Konstitusyon na mismong nagsasabi na ang isang natural-born Filipino ay hindi kailangang sumailalim sa anumang proseso para maging Pilipino. Malayo ito sa kaso ni Poe na kinailangang mag-apply at magsumite ng mga dokumento para maging Pinoy muli dahil minsan na niyang tinalikuran ito. Nabanggit ito ni Santiago ng mag-guest ito sa isang forum para sa mga presidentiables.
Sinabi naman ng kampo ni Poe na wala itong ginawa para maibalik ang Filipino status nito, taliwas sa mga naging pahayag nila dati. “That is her interpretation,” sagot ni Santiago.
Isinisisi ni Poe ang bagong hamon sa kanyang kandidatura sa kampo ni Daang Matuwid presidentiable Mar Roxas kahit na sa kampo ni Vice President Jejomar Binay nanggaling ang kuwestiyon sa kanyang citizenship at residency ng ibunyag ito sa publiko ni Navotas Rep. Toby Tiangco, ang interim president ng UNA, partido ni Binay.
Mariing itinanggi ni Roxas ang paratang. “Bakit niya ako sinisisi eh wala naman akong kinalaman. Hindi ba siya at ang abogado niya ang nagfile ng papeles niya? Hindi ba siya ang nagtake oath bilang Amerikano? Pananagutan na niya yun kaya magpaliwanag siya,” buwelta ni Roxas.
- Latest