MANILA, Philippines – Nanindigan kahapon ang Senate Electoral Tribunal (SET) na totoong Filipina at natural born citizen si Senator Grace Poe.
Tuluyang ibinasura ng SET ang petisyon ni Rizalito David laban kay Poe na humiling na idiskuwalipika siya sa pagtakbo bilang presidente ng bansa sa susunod na taon dahil sa isyu ng kanyang citizenship.
Ayon kay Senator Vicente “Tito” Sotto III, miyembro ng SET, pareho lamang ang lumabas na boto na 5-4 kung saan limang senador ang nanindigan na dapat natural born citizen si Poe.
Ang lima na bomoto komontra sa petisyon ni David ay sina Senators Bam Aquino, Sotto, Loren Legarda, Pia Cayetano, at Cynthia Villar.
Kabilang naman sa apat na kumatig sa petisyon ay sina Senator Nancy Binay, Senior Associate Justice Antonio Carpio, chairman ng SET, Associate Justices Teresita Leonardo de Castro at Arturo Brion.
Nauna ng ibinasura ng SET ang petisyon ni David noong Nobyembre 17 na nagpapa-diskuwalipika kay Poe dahil hindi umano ito natural born citizen na isa sa mga requirements para makakandidato bilang pangulo ng bansa.
Matatandaan na ikinatuwa ni Poe ang naunang desisyon ng SET bagaman at labis nitong ikinadismaya ang desisyon ng Second Division ng Commission on Election na nagkakansela sa kanyang certificate of candidacy dahil sa isyu ng residency o kakulangan ng panahon na namalagi sa bansa.
Iginiit ni Poe na mahigit na 10 taon na siyang namamalagi sa Pilipinas bago siya maghain ng COC.Samantala, emosyonal na nagpasalamat kahapon si Senator Grace Poe matapos maging pinal ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal at tuluyang nagbabasura sa disqualification case na inihain laban sa kanya ni Rizalito David.
Inamin ni Poe sa isang press conference na nangamba rin siya na matanggal sa Senado nang hindi man lamang nakakapagpasalamat sa media at sa kanyang mga kasamahan.
Samantala, sinabi rin ni Poe na naniniwala pa rin siya sa karunungan ng mga nagbalangkas ng Saligang Batas.