MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng House Committee on Transportation ang mosyon para ibasura na ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang bagong requirement para sa pagkuha ng NBI at police clearance bago makakuha ng professional drivers license.
Nagkasundo din ang komite sa pamumuno ni Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, na irequire ang NBI at PNP na magsumite ng “lookout list” sa LTO para sa maayos na koordinasyon para sa mga taong posibleng may kaso.
Sinabi ng mga kongresista na pahirap lamang sa mga kumukuha ng lisensiya ang dagdag na requirement at maraming lugar sa bansa ng walang NBI satellite office. Giit pa ng mga kongresista para na rin umanong gusto ng LTO na sumabak sa police work sa panghuhuli ng mga kriminal.
Pagtatanggol naman ni LTO chief Alfonso Tan, pinag-iingatan lamang nila ang mga pasahero ng mga public utility vehicles. Sa katunayan, nang simulan nila ang bagong requirement noong Nobyembre, isang may pending warrant of arrest sa kasong robbery ang nahuli at hindi nabigyan ng lisensya.