MANILA, Philippines – Gahol na sa oras ang Commission on Elections dahil sa temporary restraining order ng Korte Suprema laban sa “No Bio, No Boto” policy sa 2016 elections.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, maaapektuhan na ang paghahanda ng Comelec sa halalan kapag ibabasura ang kanilang polisiya sa pagboto.
Kailangan daw kasing mag-adjust ng mga voting precinct sa mga botanteng walang biometrics na aabot sa 2.5 million.
Apektado rin ang paggamit ng vote counting machines (VCM) dahil madadagdagan na ang gagamit sa mga makina.
Sa target nilang 800 na balotang dadaan sa isang VCM ay posibleng aabot na ito sa mahigit 1,000 na magpapabagal naman sa operasyon ng mga presinto.
Kapag magdadagdag ang Comelec ng VCM ay baka hindi na ito maide-deliver bago ang halalan at hindi rin sigurado kung may available pang mga makina dahil dalawang beses na silang nag-acquire.