INC dinedemolis ng pulitiko

MANILA, Philippines – Isang pulitiko na umano’y “nabigo” na makuha ang “basbas” ng ‘Iglesia Ni Cristo’ (INC) sa kanyang kandidatura ang umano’y nasa likod ng mga banat laban sa nasabing institusyon.

Ito ang pahayag ng isang mapagkakatiwalaang source na ayaw magpakilala dahil sa kanyang seguridad na nagsabi pang gusto ng naturang pulitiko na sirain ang INC upang hindi na umano maimpluwensiyahan”ng grupo ang halalan sa susunod na taon.

Kilala ang INC sa ‘bloc voting’ kung saan sinasabing ang naging pagsuporta nito sa kandidatura ni Pangulong Aquino sa halalan noong 2010 ay isa sa mga dahilan sa kanyang panalo.

Ayon pa sa source, “gumaganti” rin umano ang pulitiko sa kapatiran matapos masopla ang kanyang kandidatura at ito umano ang palihim na nakikipag-usap at humihikayat sa mga napatalsik na miyembro ng INC upang “magtahi” ng mga kasinungalingan laban sa pamunuan nito.

“Isang pulitiko ang nasa likod nito na hindi nakuha ang endorso ng pamunuan kaya’t gumagawa ito ng paraan upang hindi na makapag-block voting ang INC,” anang source.

Idiniin nito na sa mga lumalabas na isyu laban sa INC, wala kahit isang matibay na ebidensiya na inilatag sa pamunuan nito maliban lamang sa sinasabi ng mga napatalsik na miyembro.

Patunay nito, aniya pa, ay ang naging pagbasura kamakailan ng Department of Justice (DOJ) sa kasong se­rious illegal detention na isinampa ng ilang napatalsik na miyembro laban ng pamunuan ng INC dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Umaasa rin umano ang naturang kandidato na sa dakong huli ay “bibigay” din ang INC upang suportahan ang kanyang kandidatura.

Show comments