MANILA, Philippines – Pinatigil ng Supreme Court sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO) ang implementasyon ng “No Bio, No Boto” policy ng Comelec.
Nangangahulugan ito ng posibilidad na makaboto ang nasa 3 milyong botante, kahit ang walang kumpletong biometrics data.
Una nang dumulog sa Korte Suprema ang Kabataan partylist para kwestiyunin ang constitutionality ng “No Bio, No Boto” campaign ng Comelec.
Sa kanilang 32-pahinang petition for certiorari and prohibition, sinabi ni Kabataan Rep. Terry Ridon na umaabot sa mahigit sa 3M botante ang nawalan ng karapatang bumoto dahil sa nasabing polisiya ng poll body.
Bukod dito, kinuwestyon din ng Kabataan ang October 31, 2015 deadline para sa nasabing kampanya.
Iginiit nila ang umiiral na Election Omnibus Code na 120-days bago ang mismong araw ng eleksyon ay maaari pang magpa-rehistro ang isang bontante, na kung susundin maaari pa raw magparehistro ang isang botante hanggang sa unang linggo ng Enero 2016.
Pero sa panig ng Comelec, sinabi nilang kakapusin ng panahon sa election preparation kung pagbibigyan ang kahilingan ng petitioner.