MANILA, Philippines – Hinatulan kahapon ng anim hanggang 12 taong pagkakulong ng Olongapo Regional Trial Court Branch 74 sa kasong homicide si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton dahil sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer.
Sa verdict ni Judge Roline Ginez Jabalde na binasa ni Atty.Gerry Gruspe, inutos din ng korte na bayaran ni Pemberton ang naulilang pamilya ni Laude ng P50,000 civil indemnity; P4.34 M damages sa nawalang kita sa paghahanapbuhay (loss of earning capacity); P155,250 reimbursement sa nagastos sa burol at pagpapalibing kay Jennifer; P50,000 moral damages at P30,000 exemplary damages.
Iniutos din ng korte na dahil ikinokonsiderang ‘national prisoner‘ si Pemberton ay pansamantala itong ikulong sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa City habang pinag-uusapan pa ng mga opisyal ng US at Department of Foreign Affairs ang lugar na dapat pagkulungan sa convicted US serviceman alinsunod sa umiiral na Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Habang isinusulat ang balitang ito, dinala na si Pemberton sa Camp Aguinaldo.
Samantala ibinasura naman ng korte ang inihirit ng pamilya Laude na kabayarang hindi bababa sa P100-M moral damages sa katwirang sobra ito at walang basehan.
Sa pahayag naman ng ina ni Laude na si Julita at kapatid nitong si Malou, hindi sila kuntento sa hatol ng korte na homicide lang ang naging kaso sa halip na murder.
Sa kabila nito, tanggap pa rin umano ng ina ni Jennifer na si Gng. Julita Cabillan ang court ruling dahil hindi nasayang ang kanilang ipinaglaban.
Umasa na lamang ito na sana’y pagdusahan ni Pemberton ang hatol at hindi balang araw ay makita na lamang ito na nagsa-shopping sa Amerika.
Bago ito, inisa-isa ng clerk of court ang mga nakalap na data kaya tumagal ito ng halos dalawang oras.
Nobyembre 24 sana ang promulgation ngunit itinakda ito kahapon dahil hindi maaaring lumagpas ng isang taon sa korte ang kaso, base na rin sa kasunduan ng US at Pilipinas.
Matatandaan na natagpuang patay si Laude na nakalublob ang ulo sa loob ng toilet bowl sa banyo ng Celzone Lodge sa Olongapo City noong October 11, 2014.
Huling nakita ang biktima na kasama si Pemberton at pumasok sa nasabing kuwarto matapos ang inuman sa kalapit na bar.
Sa ginawang pagdinig, inamin ni Pemberton na sinakal at nilublub niya si Laude sa bowl matapos ang pagtatalik subalit buhay pa ito nang iwan niya. Nadismaya si Pemberton nang malamang hindi babae ang kanyang nakatalik.