MANILA, Philippines – Naglabas ng temporary restraining order (TRO) ngayong Martes ng hapon ang Korte Suprema laban sa “No Bio, No Boto” na patakaran ng Commission on Elections (Comelec) para sa eleksyon 2016.
“…effective immediately and continuing until further orders from the Court,” pahayag ni Theodore Te, tagapagsalita ng mataas na hukuman na nakasaad sa TRO.
Pinigilan ng korte ang ipinatupad ng Comelec na pagbabawal sa mga botante na makaboto kung walang biometrics kahit na nakarehistro ang mga ito.
Inutusan din ng mataas na hukuman ang Comelec at ang Solicitor General na maghain ng komento sa loob ng 10 araw.
Inilabas ng korte ang TRO kasunod ng paghahain ng petisyon ng mga kabataang grupo sa pangunguna ni Kabataan party-list Rep. Terry Ridon.
Sinabi ng mga nagrereklamo na labag sa Saligang Batas ang pagpapatupad ng “No Bio, No Boto” policy.
Hindi bababa sa 3 milyong rehistradong botante ang maaaring hindi makaboto dahil walang biometrics.