MANILA, Philippines – Matapos ang matagal na paghihintay, natuldukan na rin ang mga pagtatanong kung sino ang magiging vice presidential candidate na ka-tandem ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte matapos pormal na iproklama ng Partido Demokratikong Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-Laban) bilang kanilang official presidential at vice presidential candidate sina Duterte at Senator Alan Peter Cayetano, kahapon sa Century Park Hotel, sa Vito Cruz, Malate, Maynila.
Naka-iskedyul umano ang press conference ng alas 2:00 ng hapon subalit dumating nang magkasunod sina Duterte at Cayetano alas 3:00 ng hapon.
Markado naman ang pagdalo ni dating PDP-Laban presidential bet na si Martin Diño dahil unang pagkakataon umano silang nagkita ng personal ni Duterte simula nang ito ay magdeklara ng intensiyong tumakbo sa pagka-pangulo sa 2016 elections.
Gusto ni Diño na sakaling palarin si Duterte ay nais niyang gawing ligtas ang Pilipinas tulad ng Davao na mababa ang krimen.
Matatandaang nag-withdraw ng kaniyang certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec) si Diño noong Oktubre 27 kasunod ng paglilinaw niya na hindi siya dapat ideklarang nuisance candidate at iginiit na substitute si Duterte.
Kabilang din sa dumalo ang mga kaalyado, mga retiradong heneral at mga miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa pangunguna ng chairman nito.
Iginiit naman ni Duterte na sakaling siya ay idisqualify ay wala siyang magagawa kungdi umuwi na lamang sa Davao at magretiro na at wala ring plano na muling kumandidato doon.
“Sinabi ko sa inyo wala akong ambisyon. Kung i-disqualify ako, go ahead. Uwi ako sa amin,” ani Duterte.
“Wala na naman ako babalikan doon kasi si Inday (Sara) ang substitute. If you disqualify me, I will go home and retire,” aniya pa.
Maikling pasaring naman sa administrasyong Aquino ang pinakawalan ni Duterte kaugnay sa sobrang sikip ng trapiko partikular ang pagbiyahe lamang patungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na hindi umano kakayanin lalo na sa tulad niya na umiinom ng baon na buko na makakaramdam ng pag-ihi.
Matatandaang kinukwestiyon ang validity ng kandidatura ni Duterte dahil wala naman umano siyang isa-substitute dahil depektibo ang inihaing COC ni Diño, kung saan nakalagay na siya ay tatakbo sa pagka-alkalde ng Pasay City.
Nabatid na nagkaroon ng ugong-ugong na si vice presidential candidate Bongbong Marcos ang posibleng ka-tandem ni Duterte. (Ludy Bermudo)