MANILA, Philippines – Iginiit ng isang barangay chairman sa Quezon City na ipagpapatuloy niya ang paggiba sa mga iligal na imprastraktura na nakahambalang sa mga lansangan, pagtatanggal sa mga sidewalk vendor at mga iligal na sasakyang nakaparada sa kanyang nasasakupan upang mapanatili ang daloy ng trapiko dito.
Aksyon ito ni Marciano Buena-Agua, chairman ng Barangay E. Rodriguez sa ikatlong distrito sa lungsod, matapos na isang grupo ng mga vendors ang naghain ng reklamo laban sa kanya sa Ombudsman dahil sa umano’y pangongotong.
Sinabi ni Buena-Agua na isa itong uri ng ‘harrasment” laban sa kanya dahil ginagawa niya ang tama sa kanyang lugar bilang kapitan ng barangay.
Ipinaliwanag ni Buena-Agua na ang kaso ay nag-ugat sa pagpupursigi niyang linisin ang area sa national road ng Ermin Garcia St. mula sa lahat ng sagabal na ikinagalit ng mga illegal sidewalk vendors at goons na sangkot sa extortion activities.
Nauna rito, paglilinaw ng Kapitan, noong November 6, 2015, ay sumulat anya siya sa QC Department of Public Order and Safety para humingi ng tulong sa isang clearing operation sa area malapit sa Mega-Q-Mart para luwagan ang lugar.
Nakatanggap anya siya ng mga reklamo buhat sa mga may-ari ng establisyemento hingil sa magulong sitwasyon sa lugar na nagdudulot sa kanila ng malaking pinansyal na pagkalugi.
Nilinaw pa nito na noong November 7, ang isa anya sa kanyang mga barangay traffic enforcers na si Albert Dira ay binugbog ng ilang kalalakihan nang tumanggi itong umalis sa kanyang puwesto malapit sa palengke kung saan siya nagmamando ng trapik.
Ilang araw ang lumipas, dagdag ni Buena-Agua, isang police officer at isang kasama nito na nagpakilalang Nilo Balatbat ang nagtungo anya sa kanilang barangay hall at nag-abot ng halagang P2,000 para kay Dira bilang tulong para sa kanyang binibiling gamot.
Nasorpresa anya siya kung bakit ang isang pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) ang mamagitan sa ngalan ng nambugbog na suspect para mapalubag ang damdamin ni Dira.
Sabi pa ng Kapitan, base sa kanyang pagsisiyasat isa umanong siga-siga sa lugar na ang pangalan ay Edwin ang siyang nangotong ng P300 sa bawat driver ng delivery van na may kargang prutas na nakaparada sa kahabaan ng kalye malapit sa Mega-Q-Mart.