MANILA, Philippines – Walang kiber si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa pangungulelat niya sa huling survey sa mga kandidatong presidente makaraang lumabas na siya ang pangunahing paborito ng mga netizen sa isang poll na isinagawa sa Facebook.
Nagpahayag ng paniniwala si Santiago na ang social media ay nagpabago sa attitude ng mga botanteng Pilipino.
Ikinalugod ni Santiago ang resulta ng isang survey sa Facebook page na Pinoy History na nagpapakita na 48.36 porsiyento ng mga respondent ay gustong si Santiago ang manalong presidente sa halalan sa susunod na taon.
Pinuna rin niya ang maagang pangangampanya umano ng ibang mga kandidatong presidente na nagpalagay ng advertisement sa prime time slot sa mga telebisyon at radyo. Siya na lamang sa mga aspirante sa pagka-pangulo ang hindi pa nagpapalabas ng campaign ads.
Sa survey sa Facebook, kabuntot ni Santiago si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nakakuha ng 42.35 porsiyento. Sumusunod sina Liberal Party standard bearer Mar Roxas, 3.86%; Sen. Grace Poe, 2.15%; at Jejomar Binay, 1.28%.
Sinasabi ng grupong nasa likod ng survey na ipinapakita ng resulta nito ang totoong iskor ng mga kandidato sa halalang pampanguluhan batay sa bilang ng 40 milyong social media user sa Pilipinas.
“Ang social media ang susi sa pagkapanalo sa halalan sa 2016. Laging nakakabili ng advertisement ang mga tradisyunal na pulitiko o kahit ng mga pre-election survey. Pero walang pera ang maaaring makapagpatahimik sa mga Pilipino sa social media,” sabi ni Santiago sa isang pahayag.