MANILA, Philippines – Mismong ang Malacañang ang kumumpirma na walang “credible” at “verified” terrorist threat sa Pilipinas.
Sinabi ni Communications Secretary Sonny Coloma, pawang mga ispekulasyon lang ang naglalabasang impormasyon kaugnay sa presensiya ng mga foreign terrorists sa bansa.
Ayon kay Coloma, kapwa tiniyak ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na walang batayan ang naturang mga impormasyon bagama’t patuloy aniyang naka-monitor ang intelligence community.
“Ito po ang posisyon ng Philippine National Police: “There is no credible terrorist threat that directly leads to the ISIS. Validation of information gathered thus far has produced no basis to confirm such reports. The intelligence community continues to monitor threats to ensure proper response by the security forces,” ani Coloma.
“Mula naman po sa AFP, kahalintulad din po ang kanilang pahayag: “No credible and verified foreign terrorist presence has been established in our country and this is the reason we need not unduly raise our alert level. We call on our people to always remain vigilant and alert and to cooperate with the authorities. Our constant call is for a collective and participative security awareness and preparedness among our people,” dagdag ng opisyal
Inatasan ng Palasyo noong Biyernes ang mga awtoridad na beripikahin ang posibleng kaugnayan ng walo kataong napatay sa isang engkuwentro sa Sultan Kudarat sa international terror group na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Tiniyak naman ni Coloma na nakahandang tumugon ang law enforcement agency ng Pilipinas kung magkaroon ng banta sa seguridad ng bansa.
Napag-alaman na maraming bansa lalo na ang Amerika ang nakaalerto ngayon kasunod nang terror attack sa Paris, France na ikinasawi ng 130 katao.