Kongreso ‘di kaya ang veto ni PNoy sa bawas-tax bill

Iginiit ng majority leader na madali lang sabihin na kayang i-override ang veto ng Presidente suba­lit sa kasaysayan umano ng Kamara ay wala pang naitala na na-override ang Kongreso sa mga panukala na nai-veto ng Pangulo. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Hindi tiyak ni House Majority Floor Leader Neptali Gonzales II na magagawang i-override ng Kongreso ang desis­yon ni Pangulong Aquino sakaling i-veto nito ang panukalang pagbabawas ng buwis sa sahod ng mga ordinaryong manggagawa.

Ayon kay Gonzales, hindi siya ‘confident’ na magagawang madaig ng dalawang Kapulu­ngan ang veto ng Pangulo kung maipapasa man ng Kongreso ang lowering of income tax rate bill.

Iginiit ng majority leader na madali lang sabihin na kayang i-override ang veto ng Presidente suba­lit sa kasaysayan umano ng Kamara ay wala pang naitala na na-override ang Kongreso sa mga panukala na nai-veto ng Pangulo.

Isang dahilan din kung bakit wala ng pag-asa para i-override ang panukala sa pagbaba ng buwis sa sahod ay dahil quorum lang sa Kamara ay malaking problema na.

Bukod dito mahirap din ito dahil manganga­ilangan ng hiwalay na tig-2/3 votes sa Kamara at Senado at sa araw-araw na lang na sesyon ay hindi na nakakabuo ng quorum sa Mababang Kapulungan.

Idinagdag pa nito na ay may political conside­ration din kay PNoy dahil hindi naman papayag ang Kongreso na ilagay sa ‘awkward position’ ang Ehekutibo dahil sa papatapos na termino ni PNoy.

Nilinaw pa ni Gonzales na hindi lamang sa pagbaba ng buwis sa sahod nahihirapan na maipasa ang Kongreso kundi problema din na maaprubahan ang Resolution of Both Houses #1 o Economic Charter Change at ang Bangsamoro Basic Law o BBL.

Show comments