MANILA, Philippines – Dahil sa inaasahang pagtaas ng insidente ng mga holdapan ngayong panahon ng ‘Christmas bonus’, pinaplantsa na ng Philippine National Police (PNP) ang Oplan Ligtas Paskuhan na magsisilbing gabay ng kapulisan kung paano sila aalalay sa kaligtasan ng publiko ngayong papasok ang panahon ng kapaskuhan.
Sinabi ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez na ang Oplan Ligtas Paskuhan ay ipatutupad dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao para mag-shopping ng panregalo at panghanda sa pasko sa mga malls, iba pang mga pamilihan tulad ng Divisoria, Baclaran at iba pa; mga terminal ng pampublikong sasakyan.
Gayundin, dahilan sa inaasahang bigayan ng 13th month pay ng mga empleyado sa susunod na linggo na karaniwan ng inaabangan ng mga kawatan para makapambiktima ang mga ito.
Sa tala ng PNP, karaniwan ng tumataas ang insidente ng pandurukot at holdapan sa tuwing panahon ng bigayan ng bonus lalo na sa Metro Manila.
Bilang bahagi ng Oplan Ligtas Paskuhan ay magdedeploy ng karagdagang mga pulis ang PNP sa mga pampublikong terminal tulad sa mga bus station, pantalan at paliparan.
Magpapatrulya rin ang mga pulis sa paligid at loob ng mga mall depende sa koordinasyon ng mga ground commander sa management ng mga mall dahil naman sa modus operandi ng mga mandurukot na nakikipagsabayan sa pagdagsa at nambibiktima ng mga shoppers.