MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ni Nationalist People’s Coalition (NPC) Rep. Win Gatchalian ang gobyerno na sumali sa global coalition laban sa Islamic State of Iraq and the Levant (ISIL) sa gitna ng banta ng teroristang grupo sa Southeast Asia na sumapi sa extremist group.
Suportado rin ni Valenzuela Rep. Gatchalian ang hakbang ng Senado na dagdagan ang budget sa susunod ng taon ng Department of National Defense (DND) dahil na rin sa terror threat at seguridad ng bansa.
“Given the global threat by ISIS, I ask the Department of Budget and Management to reconsider Senator Legarda’s original proposed budget of P202.3 billion for DND which was cut to almost half or P116.3 billion. We must act now and be proactive in eliminating terror threats before it’s too late,” paliwanag ni Gatchalian, NPC senatorial candidate.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa gobyerno matapos ang ulat na posibleng umatake din ang terrorist group sa Asya tulad ng nangyari sa Paris.
Bagamat hindi pa kasali sa koalisyon ang Pilipinas ay naglabas ng resolusyon ang UN National Security Council nitong Nov. 20 matapos ang Paris attack kung saan 130 katao ang nasawi na dapat doblehin at magkaroon ng koordinasyon ang mga bansa kaugnay sa posibleng banta ng seguridad ng terrorist group na ISIL.
Ayon kay Gatchalian, hindi lang ang pagbabanta sa China ang ating pinaghahandaan kundi pag-ingatan din ang pagbabanta ng Islamist extremist sa atin.
Nanawagan din ang mambabatas sa gobyerno na doblehin ang pagtutok nito sa Abu Sayyaf Group matapos ang ulat na posibleng gamitin din ng ISIS ang ASG sa paghahasik ng terorismo sa pamamagitan ng mga suicide bombers.
May mga ulat na may dalawang sinasabing mandirigma ang napatay sa Syria na diumano’y kasapi ng Abu Sayyaf.