MANILA, Philippines – Tiniyak ni boxing legend at Sarangani Rep. Manny Pacquiao na mananatili siya sa senatorial slate ni Vice President Jejomar Binay kahit na opisyal nang nag-file ng kandidatura sa pagkapangulo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte kahapon.
Ito ang ipinahayag ni Pacquiao nang i-welcome si Binay at mga kasama nito sa Gensan airport nitong Biyernes.
Sinamahan ni Pacquiao si Binay sa Barangay Colon, Maasim para sa pagpapasinaya ng ika-4th Council Jamboree of the Boy Scouts of the Philippines.
Ayon kay Pacquiao, ang tunay na lider ay nakapokus kung ano ang pangangailangan ng mga tao at ang tunay na lider ay hindi gagamit ng ibang tao upang tumaas lang ang tsansa na manalo sa mataas na posisyon.
“Ngayon pa lang, nakikita natin ang kanyang (Binay) tulong sa ating province, lalo na sa mga pabahay na ibibigay, hindi lamang dito kundi sa buong region 12.”Alam niyo rin po si Vice President Binay nanggaling din sa hirap. Kapag siya ay naupo, maiintindihan niya ang kalagayan ng karamihan ng ating kababayan. Kaya ako ay naniniwala ka kapag siya ay naupo, malaki ang maitutulong niya.” wika ni Pacquiao.
“Ayaw ko kasing, unang-una as a politician, ayaw ko ‘yong pabago-bago, ‘yong magkaroon ng lamat ‘yong isipan ng mga tao na may panahon na pabago-bago ‘yong isip ko na minsan dito, minsan doon. Kung ano ang desisyon mo, ‘yon ‘yong panindigan mo,” pahayag ni Pacquiao.
“Hindi ko naman sinasabi na close kami ni Duterte. Talagang magkaibigan kami, close kami. Hindi ‘yan maaapektuhan dahil ito politics lang ito. Ang mga taong-bayan ang pipili kung sinong gugustuhin nila. Ang pagsama ko kay VP hindi ‘yon dahil sa kami ay magkaibigan din kundi naniniwala ako sa plataporma ng UNA, ‘yong paninindigan at ‘yong programa para sa taong-bayan na ang priority is ‘yong mga taong mahihirap dahil kami ay nanggaling sa hirap. ‘Yon nga lagi naming ini-emphasize na ang grupo namin, ang gagawin namin, ang focus namin ay tugunan ‘yong problema sa ating bansa,” banggit pa ng Pambansang Kamao.
Nabanggit na rin dati ni Binay na hindi siya iiwan ni Pacquiao kahit na ito ay nililigawan ng Liberal Party para makasama sa senatorial slate ng partido.
Bago ito ay may umuugong ng balita na nais ni Duterte na isama si Pacquiao sa senatorial slate, subalit nakapangako na ang huli na sa partido nitong United Nationalist Alliance (UNA) ni Binay siya sasama.