MANILA, Philippines – Mananatili sa puwesto ang pinakamahuhusay na miyembro ng gabinete ni Presidente Aquino sakaling si Sen. Grace Poe ang mananalo sa halalan sa 2016.
Pero sinabi rin ni Poe na sa ilalim ng bagong administrasyon, papanagutin ang sinumang papalpak sa kanilang trabaho.
Ginawa ni Poe ang pahayag sa harap ng mga dumalo sa “Meet your Candidate” na inorganisa ng Harvard Club of the Philippines, Kellogg School of Management at Wharton-Penn Alumni Association.
Ayon kay Poe, papipirmahin niya ang magiging miyembro ng kaniyang gabinete ng “commitment forms” na naglalaman ng detalyadong mga gawain at mga proyektong dapat nilang gawin, at kung hindi magawa nang mahusay ang ipinatatrabaho sa kanya, pananagutin ang naturang opisyal.
Hindi aniya dapat nakasalalay ang pagtatalaga o pagsisibak ng mga tao sa gabinete sa utang na loob o sa partidong kinabibilangan, sabi ni Poe.