MANILA, Philippines – Pumasa na kahapon sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang P3.002-trilyon national budget para sa 2016.
Bumoto ang 14 senador ng pabor at tanging si Sen. Koko Pimentel lamang ang nag-iisang kumontra.
Nauna ng sinabi ni Senate President Franklin Drilon na sa susunod na linggo isasalang ang panukalang pambansang budget sa bicameral conference committee upang maplantsa ang hindi magkakatugmang ‘figures’ ng dalawang kapulungan.
Kumpiyansa si Drilon na mararatipikahan ang pambansang budget sa pagitan ng Disyembre 7-11 at maisusumite ito sa Malacañang sa Disyembre 14 upang malagdaan ni Pangulong Aquino bago matapos ang taon.
Ang DepEd ang nakakuha ng pinakamalaking budget.
Ang ipinasang budget ng DepEd sa House of Representatives ay P411,482,789, pero sa bersyon ng Senado, ginawa itong P411,896,257.
Binawasan naman sa bersiyon ng Senado ang pondo ng Office of the President ng nasa P66 milyon. Sa bersiyon ng Kamara, ito ay P2,825, 998,000 pero sa bersiyon ng Senado, ito ay ginawang P2,759,895,000.
Nadagdagan naman ng nasa P269,488,000 ang tanggapan ng Office of the Vice President na mula sa P230,512,000 sa Kamara, ginawa itong P500 milyon ng Senado.
Dinagdagan din ng Senado ng nasa P11 bilyon ang pondo ng Defense, mula sa P115.8 bilyon sa bersiyon ng Kamara, ay naging P127 bilyon.
Dinagdagan din ang pondo ng DOJ ng nasa P96 milyon mula sa P12.8 bilyon sa bersiyon ng House ginawa itong P12.9 bilyon, pero binawasan ang pondo ng tanggapan ng Secretary of Justice ng nasa P179 milyon.