MANILA, Philippines – Sumentro ang unang araw ng argumento ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands sa pagpiprisinta sa walong lumang mapa na hango pa raw sa Han at Ming dynasty na nagpapakita na hindi kasama sa teritoryo ng China ang mga islang inaangkin sa ilalim ng 9-Dash Line.
Lumutang sa mapa na hindi pag-aari ng China ang Spratlys dahil mas malapit ito sa Palawan na bahagi ng Pilipinas.
Binanggit din na ang pag-aangkin ng China sa mga lugar na saklaw ng 9-Dash Line ay nakakasagabal sa fishing at exploration activities ng Pilipinas
Matibay ang paninindigan ng delegasyon na ang isla na inaangkin ng China ay pag-aari ng bansa kung pagbabatayan ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa ilalim ng UNCLOS pasok sa bansa ang mga isla na nasa 200 nautical miles exclusive economic zone.
Taliwas ito sa ipinaglalaban ng China na 9-dash line na halos sumasakop na sa lahat ng isla sa West Philippine Sea.
Giit ni Deputy Presidential Spokesman Abigail Valte, sakaling manalo ang Pilipinas sa kaso laban sa China ay tagumpay ito ng sambayanan.
Posible kasing gamitin ng ibang bansa ang desisyon ng korte para sa kanilang claims sa mga isla sa West Philippine Sea.
Umaasa naman si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, na sa loob ng apat hanggang anim na buwan ay maglalabas na ang arbitral court ng favorable ruling.
Gayunman, kailangan din umanong isipin ang susunod na hakbang sakaling paboran ng korte ang Pilipinas para hindi tuluyang masira ang relasyon ng bansa sa China.