Lower income tax bill kayang ipasa ng Kongreso
MANILA, Philippines – Kahit na walang suporta ni Pangulong Aquino ay malakas naman umano ang kapangyarihan ng Senado at Kamara para ipasa ang panukalang Lower income tax rate ngayong 16th Congress.
Sinabi ni 1-BAP PL Rep. Silvestre Bello III, na kung magmamatigas si PNoy sa pagtutol nito sa panukalang pagpapababa sa buwis, kayang-kaya pa rin naman ng Kongreso na mapagtibay ito.
Sa oras na makalusot na sa Senado at Kamara ang Lower Income Tax Rate bill subalit na-veto naman ng Presidente, ay maaari pa rin itong maremedyuhan.
Ito ay sa pamamagitan umano ng pag-override ng Kongreso sa veto ng Pangulo, o 3/4 na hiwalay na boto ng Senado at Kamara.
Iginiit pa ng kongresista na, kung talagang sinsero ang Kongreso, ipapasa nito ang Lower Income Tax Rate Bill, may suporta man o wala ni PNoy.
Mensahe pa ni Bello kay Pangulong Aquino, kung nakagastos ng 10 bilyong piso ang gobyerno para sa katatapos na Asia Pacific Economic Cooperation o APEC 2015, wala namang mawawala kung bigyan nila ng kahit kaunting ginhawa ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng panukalang Lower Income Tax Rate.
Sa bandang huli, anuman ang maging pasya ng Presidente, ang kanyang mga “Boss” pa rin ang huhusga.
Sakali naman umanong magmatigas si PNoy, maaaring maging accountable siya rito o mag-backlash ito sa Presidential bid ni Mar Roxas.
Nauna nang sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr na suko na ang Kamara sa pagpasa ng nabanggit na panukala, dahil wala na raw sapat na panahon.
- Latest