Mga pasaway na pulis walang bonus
MANILA, Philippines – Paskong tuyo dahil ni singkong duling ay walang matatanggap na bonus ang mga pasaway na pulis na may kinakaharap na kasong kriminal at administratibo.
Ito ang mariing kautusan ni PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez bilang bahagi ng pinaiiral na mahigpit na disiplina sa hanay ng kapulisan.
“As a disciplinary policy, release of the 13th month pay to PNP personnel with pending administrative and criminal cases is deferred”, pahayag ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor.
Kahapon, inihayag ni Mayor na ipinalabas na ng PNP Headquarters ang 2015 year end bonus ng nasa 160,000 aktibong PNP personnel bilang maagang pamaskong handog sa mga ito sa kanilang mahusay na serbisyo publiko.
Nabatid na aabot sa P2.027 bilyon ang inilaang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para mabayaran ang year-end bonus ng mga PNP personnel.
Sinabi naman ni Marquez na ang year-end bonus ay kumakatawan sa 50% ng 13th month pay at iba pang cash benefits alinsunod sa itinatakda ng batas para sa lahat ng kawani ng gobyerno.
Ang unang yugto ng 13th month pay ng mga pulis ay ipinalabas noong Mayo 2015.
- Latest