MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo ang panawagang lumikha ng independent agrarian reform commission na mag-iimbestiga sa umano’y katiwalian sa pamimigay ng lupang sakahan.
“Sa marami naming pagdinig sa House Committee on Agrarian Reform, maraming alegasyon ng katiwalian ang lumutang pagdating sa pamimigay ng lupang sakahan,” wika ni Robredo sa round-table discussion sa iba’t-ibang media organizations.
Kasama si Robredo sa mga may akda ng House Bill No. 5841 o panukalang lilikha ng Agrarian Reform Commission na mag-iimbestiga kung naisakatuparan nga ang Republic Act 6657, o Comprehensive Agrarian Reform Law.
Ayon kay Robredo, nasa 1,200,000 hanggang 2,700,000 hektarya ng lupain na sinasabing naipamigay na ay pinagdududahang hindi naipamudmod o nailipat sa kontrol ng farmer-beneficiaries.