MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang kongresista sa mga kapwa nito mambabatas na masigasig na dumalo sa sesyon sa Kamara upang maipasa na agad ang mga mahahalagang panukalang batas.
Sinabi ni Isabela Rep. Rodito Albano na matatapos na naman ang 16th Congress kaya hinikayat nito ang liderato ng Kamara na gumawa ng kaukulang hakbang para maobliga ang mga kongresista na dumalo sa nalalabing siyam na araw na sesyon.
Giit ni Albano, ang kailangan lang naman ay political will para magkaroon ng quorum at maipasa ang mga panukalang batas na matagal ng nakabinbin at bago magsimula ang kampanya para sa 2016 elections.
Kahit na may iba umanong ginagampanan ngayon ang mga kongresista sa kanilang distrito ay hindi umano makatwiran na hindi sila dumalo at makilahok sa mga deliberasyon ng mga mahahalagang panukala.
Dagdag pa ni Albano na habang papalapit ang eleksyon ay nagiging abala na rin ang mga kongresista ngunit kailangan aniyang maglaan ng panahon sa pagdalo ng sesyon upang ang mga inihanay na prayoridad ay maisabatas.