MANILA, Philippines – Papasok ngayong gabi sa Philippine area of responsibility (PAR) ang namataang bagyo na may international name na “In-Fa” kapag hindi nagbago ang direksyon nito.
Ayon kay Ben Oris weather observer ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) namataan ang bagyo sa layong 1,810 kilometro ng silangan ng Samar dakong alas-10:00 ng umaga kahapon.
May lakas ito ng hangin na 175 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugso ng hangin na aabot sa 210 kilometro bawat oras.
Sinabi ni Oris na kapag hindi nagbago ng direksyon ang naturang bagyo papasok ito sa PAR ngayong gabi (Linggo) o bukas ng umaga (Lunes) Nobyembro 23, 2015.
Kumikilos ang naturang bagyo sa kanluran hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Nabatid sa PAGASA kapag nakapasok na sa PAR ang naturang bagyo tatawagin itong Marilyn.
Inaasahan bukas ng umaga ang naturang bagyo ay nasa layong 1,395 kilometro ng silangan ng Catanduanes.
Bagamat lumakas ang bagyong “In-Fa” sinabi ng Pagasa na hindi pa naman ito magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.