APEC leaders nagkaisa: ‘International cooperation’ vs terorismo
MANILA, Philippines – Kasabay ng pagtatapos kahapon ng 23rd APEC Leaders’ Meeting, nagkaisang kinondena ng 21 lider ang lahat ng gawaing terorismo kasabay ng panawagang magkaisa at magtulungan laban sa mga terorista.
Ito ay bunsod na rin umano ng terror attack sa Paris na ikinasawi ng mahigit 100 katao at iba pang karahasan.
Nanawagan din ng “international cooperation” ang APEC leaders laban sa terorismo dahil malaki umano ang epekto nito sa kani-kanilang mga ekonomiya.
“We strongly condemn all acts, methods, and practices of terrorism in all their forms and manifestations. We will not allow terrorism to threaten the fundamental values that underpin our free and open economies,” nakasaad pa sa draft.
Naging kakaiba ang statement sa taong ito kaysa sa karaniwang mga deklarasyon ng APEC na palaging nakatuon sa kalakalan at negosyo.
Noong 2001, kinondena rin ng APEC leaders sa meeting sa Shanghai ang nangyari noong 9/11 attacks sa World Trade Center sa United States.
Ang APEC Summit ang naging pinakamalaking pulong ng pinakamalalaking mga ekonomiya sa mundo sa rehiyon ng Asya.
Ilang araw bago idaos ang APEC ay inatake ang anim na lugar sa Paris na kumitil sa buhay ng aabot sa 129 katao.
Una pa rito, 43 katao ang namatay sa dalawang suicide bombings sa Beirut at 224 naman ang namatay ng pabagsakin ang Russian plane sa Sinai penisula sa Egypt.
Inako ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang naturang mga pag-atake.
Para sa APEC leaders, ang paglago ng ekonomiya at kaunlaran ang pinakamabisang paraan para tugunan ang puno’t dulo ng terorismo.
- Latest