MANILA, Philippines – Kabilang ang tanyag na kompositor at mang-aawit na si Florante sa hanay ng mga musikerong taga-Los Angeles, California na magtatanghal sa isang konsiyerto na layuning gunitain ang ika-6 na taong anibersaryo ng masaker sa Maguindanao na kumitil ng 58 katao, kabilang dito ang 34 mamamahayag.
Gaganapin ang konsiyertong pinamagatang: Abakada, the concert (Children helping children) sa Nobyembre 22 sa Celebrity Center sa West Hollywood, Los Angeles. Produksiyon at konsepto ito ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) USA chapter sa pangunguna ng batikang photographer na si Benny Uy at NUJP-USA Chair Nimfa Rueda.
Magkakaroon din ng isang photo exhibit sa lugar ng pagtatanghal na tungkol pa rin sa tema ng pagkikibaka laban sa karahasan at paglabag sa karapatan ng mga mamamahayag.
Isang banda ng mga kabataang Amerikano ang sumali sa pagtatanghal para mag-alay ng pagkilala sa mga kapwa nila kabataang nawalan ng mga magulang dahil sa karahasan.
Gumawa pa ng sarili nilang kanta ang bandang Back 2 Jupiter, ang ilang miyembro ay pawang mga Filipino-American, para magpugay sa kabayanihan ng mga nasawing mamamahayag.
Kasama rin sa mga magtatanghal ang mga kilalang musikero ng Los Angeles na sina Malou Toler, Jo Awayan, Mon Concepcion, Mat Relox, Matthew Parry Jones, Bagyo and Mervin ML, Rhony Laigo, The Disciple Band at ang kabubuo lang na bandang Los Angeles Filipino American Media Band.
“Ang kantang ABAKADA po ay isang popular na awit ni Florante na tumatalakay sa kahalagahan ng edukasyon para sa mga kabataan. Sa palagay namin bagay ang kantang ito bilang titulo ng konsiyerto dahil bahagi rin ng kikitain nito ay ibibigay namin sa mga naulila ng mga pinatay na peryodista,” paliwanag ni Benny Uy, public relations officer ng NUJP-USA.
Wala pang nasisintensiyahan sa mga akusado sa nasabing karumal-dumal na krimen. Dahil dito, kinondena ng Committee to Protect Journalists (CPJ) na naka-base sa New York at ng International Federation of Journalists (IFJ) ang napakabagal na paggulong ng hustisya sa Pilipinas.
Kabilang sa nagtataguyod ng paggunita sa mga pinaslang na mamamahayag ang Filipino American Press Club of California, F7 Photographers, Frontliners, Philippine Press Photographers (PPP) USA at ang Pen and Lens Press Club.