MANILA, Philippines – Lubos na humanga si US Pres. Barack Obama sa Pinay scientist na si Aisa Mijeno ng Sustainable Alternative Lighting (SALt) lamp sa pagdalo nito sa APEC-CEO Summit sa Makati City kahapon.
Naging panauhin si Obama sa APEC-CEO Summit kaugnay sa Climate Change.
Si Mijeno ang chief executive officer ng SALt lamp na isang environmental friendly at sustainable light source na ang ginagamit ay tubig-alat sa halip na kuryente.
Wika ni Mijeno, ang Climate Change ay totoo at hindi lamang ito nilikha ng mga scientists upang makakuha ng pondo.
Aniya, ang elektrisidad at pailaw ay basic need na dapat mabigyan ng karampatang pagtutok ng gobyerno kaya isinulong nila ang SALt lamps lalo sa mga remote barangays sa kanayunan at kabundukan na walang kuryente.
Idinagdag pa ni Mijeno, kayang pailawin nito ang isang SALt lamp sa pamamagitan lamang ng 2 kutsara ng asin at tubig na tatagal ng 8 oras na kaya pang makapag-charge ng cellphones.
“It is made of tediously experimented and improved chemical compounds, catalysts, and metal alloys that when submerged in electrolytes will generate electricity,” dagdag pa ni Mijeno.
Naniniwala si Obama na magtatagumpay si Mijeno sa isinusulong nitong SALt lamps sa pamamagitan ng tulong ng gobyerno at pribadong sector.
“We’re partnering with local manufacturing firm to help us organize the lamps.We’re also talking to another partner to help distribute. We’re trying to mass-produce the lamps. We just need someone to fund us to get the project moving,” giit pa ng Pinay scientist.
Winika naman ni President Obama kay Mijeno, “you’re about to scale up. I’m confident you will be successful”.