Itinulak ni Cayetano: Big wage hike

Sinabi ni Cayetano na anumang diskusyon hinggil sa pag-unlad ng ekonomiya ay dapat mapakinabangan ng mga tao, lalo na ang mga sektor na hindi pa nararamdaman ang epekto ng lumalagong ekonomiya ng bansa. Philstar.com/File Photo

MANILA, Philippines – Sa pagsisimula ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit iginiit ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang mas mataas na sahod para sa mga manggagawang Filipino.

Ayon kay Cayetano, dapat maging ganap na batas ang panukalang “Salary Standardization Law of 2015” (SSL 2015), na inindorso ni Pangulong Aquino sa Kongreso.

Sinabi ni Cayetano na anumang diskusyon hinggil sa pag-unlad ng ekonomiya ay dapat mapakinabangan ng mga tao, lalo na ang mga sektor na hindi pa nararamdaman ang epekto ng lumalagong ekonomiya ng bansa.

Naniniwala rin si Ca­yetano na sa halip na ibigay ang maliit na pagtaas ng sahod sa mga manggagawa ng gobyerno, dapat magkaroon ng inclusive growth at ibigay ang nararapat na living wage.

“Ang ibig sabihin ng inclusive growth ay ka­yang sustentuhan ng bawat Pilipino ang sa­rili niya at ang kanyang pamilya. It’s not enough that we raise people’s pay by a small fraction. If we want real change, give people a more reasonable standard of li­ving,” sinabi ni Cayetano.

Kailangan aniya ng matapang na solusyon at mabilis na aksyon para na rin sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.

Base sa datos ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), ikinadismaya ni Cayetano na ang daily minimum wage ng NCR ay nasa P9,260 kada buwan, samantalang ang pinakamababang sa­lary grade (SG1) ng isang government employee ay P9,000 kada buwan. Ang entry level salary naman ng mga guro sa pampublikong paaralan ay P18,549 at ang mga pulis ay P14,834 kada buwan.

Kahit na may panukalang pagtaas ng sahod ng 27 porsyento, ang tinatayang living wage sa NCR ay mas mataas pa rin (P27,510), sabi ni Cayetano.

“Our Constitution mandates that a worker should be given a living wage. But right now, the compensation package that we give to our minimum wage earners is not even enough to provide for their families’ basic expenses,” sabi niya.

Idinagdag ni Caye­tano na balewala ang anumang mapag-uusapan sa APEC tungkol sa pagsusulong ng economic development kung hindi naman mararamdaman ng mga ordinaryong manggagawang Filipino ang epekto nito.

Show comments