MANILA, Philippines – Ibinasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ngayong Martes ang disqualification case na inihain laban kay Sen. Grace Poe.
Sa botong 5-4 ay napagdesisyunan ng SET, na kinabibilangan ng mga senador at hukom ng Korte Suprema, na ibasura ang inihaing petisyon ni Senatorial candidate Rizalito David.
Bumoto pabor kay Poe ang mga kapwa niya senador na sina Cayetano, Loren Legarda, Bam Aquino, Cynthia Villar at Tito Sotto.
Sina Justice Antonio Carpio, Justice Teresita Leonardo-De Castro, Justice Arturo Brion at Sen. Nancy Binay naman ang bumoto para i-diskwalipika si Poe.
Nais ni David na ipa-diskwaliika si Poe bilang senador dahil sa kaniyang citizenship.
Nauna nang sinabi ni Carpio na naturalized citizen lamang si Poe kaya naman hindi siya maaaring humawak ng posisyon sa gobyerno.
Ayon sa batas ay pawang mga natural-born citizens lamang ang may karapatang tumakbo sa eleksyon.
Naipanalo ni Poe ang kaso sa kabila ng negatibong resulta ng kaniyang mga DNA test sa mga posible niyang kamag-anak.
Bukod sa disqualification sa SET, apat pang kaparehong kaso ang inihain laban kay Poe sa Commission on Elections upang ibasura naman ang kaniyang certificate of candidacy sa pagkapangulo sa 2016.