MANILA, Philippines — Upang paigtingin ang seguridad sa bansa, dumaong na sa Maynila kagabi ang United States Navy destroyer para sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit.
Dumating ang Arleigh Burke-class USS Fitzgerald sa Manila Bay isang araw bago ang inaasahang pagdating ni US President Barack Obama.
Kabilang ang pagdaong sa Pilipinas ng USS Fitzgerald sa kanilang limang-araw na routine patrol.
BASAHIN: Kumakalat na ‘scare message’ sa pag-atake ng mga terorista ‘wag paniwalaan – PNP
Bago dumating sa bansa ay dumaan ang US Navy destroyer sa South China Sea, ang teritoryong pinag-aagawan ng Pilipinas at China.
"Fitzgerald's presence in the South China Sea reinforces the United States' commitment to peace and regional stability to our partners and allies in the Indo-Asia-Pacific," pahayag ni Cmdr. Christopher England.
Tiniyak naman ng mga awtoridad kahapon na walang banta sa seguridad ng bansa sa kabila ng pag-atake ng mga terorista sa Paris na ikinasawi ng 129 katao.
BASAHIN: PNP sa publiko ngayong APEC summit: Sa bahay na lang kayo
Inamin ng gobyerno na ang pagtitiyak sa seguridad ng bansa at ng mga delegado mula sa iba’t ibang bansa ang pinakamalaking hamon sa kanila.