MANILA, Philippines - Pananakot lamang umano ang mga kumakalat ngayon na mga mapagbantang text messages hinggil sa umano’y planong pag-atake ng mga terorista kaugnay ng isasagawang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit 2015 simula ngayong araw.
Ito’y matapos ang madugong terror attack sa Paris, France na ikinasawi ng mahigit 120 katao habang nasa 200 pa ang nasugatan.
Bilang reaksyon, umapela naman si APEC Security Task Force 2015 Chief, P/Director General Ricardo Marquez sa publiko na huwag matakot at magpanik sa likod ng naturang mga disinformation at pananakot lamang na mga pagbabanta.
“We have received reports of “scare message” circulating, warning of purported terror threats”, pahayag ni Marquez.
Sa panig ng AFP, sinabi naman ng Spokesman nitong si Col. Restituto Padilla na suportado ng kanilang hanay ang PNP sa pagpapatupad ng maigting na seguridad para tiyakin ang kaligtasan at mapayapang pagdaraos ng APEC Summit.
Ayon kay Padilla, pananakot lamang ang mga kumakalat na text messages na kagagawan ng mga taong nais lamang lumikha ng alarma o pagpapanik sa panig ng publiko.
Samantalang, naniniwala naman ang liderato ng PNP, na mataas ang kumpiyansa ng mga member economies at mga delegado sa ipinatutupad na seguridad para sa buong panahon ng APEC Summit.
Binigyang diin pa ng PNP Chief na mula nang maganap ang serye ng pambobomba at pamamaril sa Paris, France ay wala silang natatanggap na anumang abiso o kahilingan mula sa kanilang counterparts na kasama ng mga member economies at mga delegado patungkol sa kanilang seguridad.
Samantalang nananatili rin ang full alert status ng PNP at katumbas naman na red alert sa AFP kaugnay ng pagdaraos ng nasabing okasyon.