MANILA, Philippines – Ipinahayag kahapon ni Pasig City Rep. Roman Romulo na dapat maihanda na para sa pasukan sa susunod na taon ang `lifeline’ na ipagkakaloob sa mga mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante sa kolehiyo sa ilalim ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) Law.
“Dapat makumpleto at maaprubahan kaagad ng Commission on Higher Education sa January 2016 ang implementing rules and regulations ng batas na ito. Sa ganitong paraan, ang mga kuwalipikadong tertiary student ay maaaring makatanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng batas sa unang semester ng susunod na araling-taon,” sabi ni Romulo na pangunahing may-akda ng landmark legislation na nilagdaan ni Pangulong Aquino noong Oktubre.
“Kapag naipatupad na ang batas na ito, wala nang mangyayari na katulad ng kaso ni Kristel Tejada sa hinaharap,” ayon sa mambabatas.
Ang 16-anyos na si Tejada na freshman student ng UP Manila ay nagpakamatay noong Marso 15, 2013 matapos ipag-utos ng mga awtoridad ng paaralan na mag-forced leave siya dahil sa kabiguang mabayaran ang kanyang matrikula.
Sa ilalim ng UniFAST Law, ang mga kwalipikadong mag-aaral ay makakatanggap ng mga benepisyo gaya ng scholarship o tulong pinansiyal para sa mga eligible na estudyante batay sa merito o talento; Grant-in-aid o financial assistance para sa mahihirap ngunit kuwalipikadong mag-aaral; Student loan-tulong pinansyal na maaring long-term o short-term sa mga estudyante na walang kakayahang pinansyal para makapag-aral.