MANILA, Philippines – Maigigiit pa rin ni Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. ang condonation doctrine sa pagkukuwestyon sa pagtanggal sa kanya ng Ombudsman sa tungkulin dahil prospective lamang at angkop lang sa mga hinaharap na kaso ang pag-abandona ng Supreme Court sa naturang doktrina.
Ito ang ipinahayag kahapon nina dating Integrated Bar of the Philippines President Vicente Joyas, dating University of the East law Dean Amado Valdez at dating University of the Philippines Law Dean Pacifico Agabin.
Sang-ayon ang naturang mga law expert na maaari pa ring kuwestyunin ni Binay ang dismissal order ng Sandiganbayan laban sa kanya at bawiin ang kanyang puwesto bilang alkalde sa pamamagitan ng paggiit sa doktrina na nagsasaad na wala nang pananagutang administrabo ang isang opisyal na muling nahalal kaugnay sa mga ginawa niya sa nauna niyang termino.
“Magagamit pa rin niya ang doktrina kung ang desisyon sa pagtanggal sa kanya ay ibinase sa hindi paggamit sa doktrina at igigiit ito ni Binay sa kaso,” sabi ni Joyas.
Kinatigan ito ni Valdez na nagdiin sa kahalagahan ng pagdiin sa prospective nature ng desisyon kamakailan ng SC na abandonahin ang condonation doctrine laban sa pagiging retroactive.
Ang umano’y iligal na gawain na ibinibintang kay Binay ay nangyari bago pa man lusawin ng Mataas na Hukuman ang doktrina.
“Kung prospective, magagamit lang ito sa mga kasong nagawa pagkatapos mailabas ang desisyon. Kaya maigigiit ni Binay ang doktrina,” paliwanag ni Valdez. Pumabor sa kanyang opinyon si Agabin.
Kinontra ng pahayag ng mga legal expert ang opinyon ni SC spokesman Theodore Te na naniniwalang hindi na magagamit ni Binay ang doktrina laban sa pagkakatanggal nito sa puwesto na bunsod ng kaso sa parking building sa Makati.
Ikinatwiran naman ni Binay na hindi siya maaaring masampahan ng kasong administratibo dahil sa condonation doctrine.