Mga Pinoy sa France inalerto
MANILA, Philippines – Matapos ang terror attack sa Paris, inalarma ng Embahada ng Pilipinas sa France ang libu-libong Pinoy doon na manatili sa kanilang bahay at huwag maglalabas, laging mapagbantay at makipagkoordinasyon sa mga awtoridad upang matiyak ang kanilang seguridad.
Ayon kay Phl Ambassador to France Ma. Theresa Lazaro, hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na ulat mula sa French authorities na mayroong Pinoy na kabilang sa mga nasawi o nasugatan sa anim na pag-atake sa mga restaurants, bars, concert hall at stadium.
Sinabi nitong handa silang tulungan kung sakaling bandang huli ay may lilitaw na Pinoy na kasama sa mga nasaktan dahil sa malagim na pangyayari.
Nabatid na pitong attackers ang walang habas na namaril sa Paris cafes, nagtanim ng mga suicide bombs malapit sa national stadium ng France at pinagpapatay ang kanilang mga hostages sa loob ng concert venue habang kasagsagan ng show ng isang American rock band.
Samantala kinilala na ng mga otoridad ang isa sa pitong teroristang umatake sa Paris.
Ayon sa French police, ang first attacker ay ang 29-anyos na si Omar Ismail Mostefai, na nakilala matapos matagpuan ang labi sa Bataclan concert hall.
Magugunitang inamin ng ISIS na sila ang responsable sa pag-atake sa Paris.
May mga hawak na rin ang French at Belgium authorities na mga katao na posibleng suspek sa pag-atake.
Dahil sa epekto ng pag-atake, nagsara ang top tourist attractions ng Paris noong Sabado kabilang ang sikat na Eiffel Tower, Louvre Museum at Disneyland theme park sa capital.
Nagdeklara na si French President Francois Hollande ng “state of emergency” at nagpakalat ng 3,000 troops sa Paris upang mapanumbalik ang kapayapaan sa lugar at mawala ang takot ng kanilang mamamayan.
- Latest