MANILA, Philippines – Kinondena ng buong mundo sa pangunguna ng United Nations at ni US Pres. Barack Obama ang ginawang terrorist attacks sa Paris.
Tinukoy ni UN SecGen Ban Ki-Moon ang pag-atake na “despicable attacks” at hiniling na palayain ang mga hostages.
Sinasabi na ang pag-atake ay posibleng nag-ugat sa paghihiganti ng mga Islamic State (IS) fighters/militants dahil sa ginawang matinding pagsuporta ng France sa mga air strikes sa Syria at Iraq ng US-led coalition kung saan isa sa mga miyembro na nagtatag ng koalisyon ay ang France.
Pinangunahan naman ni Obama at German Chancellor Angela Merkel kasama ang France ang isang “global chorus of solidarity” bilang pagkondena sa pag-atake sa Paris.
Ayon kay Obama, hindi lamang ito pang-aatake laban sa France kundi sa humanity.
Tutulong aniya ang Amerika para mapanagot ang mga responsable.
Tiniyak naman ni Russian President Vladimir Putin na nakahandang tumulong ang Moscow sa Pransiya.
Ilan din sa nagpaabot ng pakikiramay sa France sina British Prime Minister David Cameron, ang Spain, Turkey, European Union at Israel.
Shocked naman si Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong sa nangyari sa France.
Bilang pakikiisa rin sa sinapit ng France, inilawan ang pamosong landmark sa New York na Empire State Building ng kulay blue, puti at pula na siyang official color ng bandila ng France.
Sinabi naman ni Pangulong Aquino na ang pag-atake ay maituturing na “horrific” at “cowardly”.
“The Philippines and its people stand in solidarity with the people of Paris and all of France, in this time of deepest sorrow and the gravest outrage against the perpetrators of these crimes,” ani PNoy.
Hiniling din ng Malacañang sa mga Filipino na nasa Paris na sundin ang anumang instructions na ipalalabas na mga awtoridad at maging magpagbantay para sa kanilang kaligtasan.
Ikinalungkot naman ni Vice President Jejomar Binay ang balitang terrorist attacks sa France.
“As we watch the horror unfold, we must remind ourselves not to let our guards down in our fight against terror. We are fully aware that the enemies of peace are often faceless and unseen. They, too, are without uniform or flag that can strike at will anywhere they wish. They have one singular objective: To divide us by striking fear, chaos, and confusion in us and immobilizing our institutions,” ani Binay.
Maging ang DFA ay nagpahayag ng pagkondena at sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na ipagpapatuloy nila ang pagbibigay ng updates sa sitwasyon sa Paris at aasistihan ang mga Pinoy sa France.