MANILA, Philippines – Bago matapos ang termino ng pamahalaang Aquino, inaasahang maaabot ng pamahalaan ang target nitong pailawin sa 2016 ang karamihan sa mga lugar sa bansa na wala pa ring kuryente.
Sa pagtaya ni dating Energy secretary at ngayo’y Liberal Party senatorial bet Carlos Jericho “Icot” Petilla, aabot sa 90 porsiyento ang masusuplayan ng elektrisidad sa susunod na taon.
Ayon kay Petilla, Nobyembre 2014 pa lang ay malaking bahagi na ng bansa ang napailawan ng Department of Energy sa ilalim ng kanyang pamumuno. Bago magbitiw sa puwesto upang isulong ang kandidatura sa pagkasenador, sinabi ni Petilla na nakapagtaguyod na siya ng maraming proyektong pailaw sa mga lugar na dating ‘di naaabot ng kuryente.
Aniya, sa kabila ng pag-alis niya sa ahensiya ay nagpapatuloy pa rin ang implementasyon ng nabanggit na programa.
Sa tatlong malalaking kapuluan ng bansa, ang Luzon umano ang may pinakamalaking bahagi o 89.3 porsiyento ng electrification. Samantala nasa 56.3 porsiyento pa lamang umano ang naaabot ng kuryente sa Mindanao.