MANILA, Philippines – Inihalintulad ni Manila Vice Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagsasampa ng mga disqualification case laban kay Sen. Grace Poe sa patuloy na tumataas na insidente ng “tanim-bala” sa NAIA, na aniya’y naglalayong idiskaril ang presidential bid ng senadora.
“Sa mga airport natin, usong uso ang tanim-bala, pero sa pulitika, ang ginagawa laban kay Senator Grace Poe ay tanim-DQ (o disqualification),” pahayag ni Moreno.
Sa panayam kay Moreno, matapos magsalita sa taunang pagtitipon ng Southern Tagalog Association of Water Districts sa isang hotel sa Maynila, ang pagsasampa ng disqualification cases laban kay Poe ay malinaw umanong planado na ang layunin ay mapatalsik ang senadora sa pagtakbo sa pagka-pangulo.
Nang tanungin kung sino ang posibleng nasa likod ng “tanim-DQ” laban kay Poe, sinabi ni Moreno na hindi siya makapagsabi ng partikular na tao o grupo ngunit binanggit nito na kung sino ang makikinabang sakaling ma-disqualify ang senadora ang siguradong nasa likod ng pagkilos na ito.
Kinuwestiyon din ni Moreno ang timing ng mga kaso sa pagsasabing wala isa mang kaso ang isinampa laban kay Poe nang tumakbo itong senador noong 2013, sa kabila na ang mga kwalipikasyon sa pagtakbo bilang senador, bise presidente at presidente ay halos pareho lamang.
Nilinaw din ni Moreno na hindi kasalanan ni Poe na maging isang “foundling,” na isa sa mga dahilan na binanggit sa isa sa mga disqualification cases sa senadora na kinukuwestiyon ang kanyang Filipino citizenship.
Umapela din si Moreno sa mga nasa likod ng disqualification laban kay Poe na hayaan na ang taumbayan ang humusga kung sino ang nais nila na susunod na pangulo ng bansa.
Nanawagan din siya sa publiko na kondenahin ang “Tanim-DQ” sa paggamit ng hashtag #StopTanimDQ sa mga social media at ibang forums upang ipahayag ang pagtutol at protesta sa hindi patas na pagtrato sa kandidatura ni Senador Poe.
Sa kabila nito sinabi ni Moreno na buo pa rin ang kanilang suporta sa pagtakbo ni Poe sa 2016 elections at tatakbo siya sa ilalim nito lalo pa’t pareho sila ng adhikain na maisulong ang student loan para sa edukasyon ng mga mahihirap.