NAIA officials nagturuan sa tanim-bala
MANILA, Philippines – Nagturuan ang mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) at Office of the Transportation Security (OTS) sa pagdinig kahapon ng Senado sa kontrobersiyal na “tanim-bala” sa NAIA.
Kinuwestiyon ni Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee kung sino ang may hawak ng CCTV footages sa NAIA na maaring makita ang ginawang pag-X-ray sa bagahe ng Amerikanong si Lane Michael White, 20, na nakitaan daw ng isang bala.
Nagturuan sina MIAA General Manager Jose Angel Honrado at OTS administrator Usec. Rolando Recomono kung sino ang may awtoridad sa pagtatago o pag-iingat ng CCTV footage.
Naungkat ang tungkol sa CCTV ng ihayag ng stepmother ni White na si Eloisa Zoleta na hindi makausad ang kasong inihain nila sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil ayaw silang bigyan ng kopya ng footage.
Iginiit ni Guingona kina Recomono at Honrado na isumite sa Senado ang partikular na video na kinakailangan ng pamilya ni White para sa pagsasampa ng kaso.
Lumabas rin sa pagdinig na tinangkang kikilan ng P30,000 si White upang hindi matuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Humarap din sa pagdinig ang OFW na si Gloria Ortinez, na hindi natuloy ang pag-alis sa bansa patungong HK noong Oktubre 25 matapos umanong mataniman ng bala.
- Latest