MANILA, Philippines - Kinatigan kahapon ng 14 na senador ang isinulong na resolusyon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na nagpapahayag ng saloobin ng Senado na anumang treaty na niratipikahan ng Pangulo ay dapat may pangsang-ayon ng Senado upang ito ay maging epektibo.
Mismong si Santiago ang nagsulong sa plenaryo ng kanyang Senate Resolution 1414.
Tanging si Sen. Antonio Trillanes IV ang kumontra habang nag-abstain sina Senate President Franklin Drilon at Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.
Ayon kay Santiago, chair ng Senate Committee on Foreign Relations, kailangan ang pagkatig ng Senado upang maging valid ang anumang treaty lalo na ‘yong nagpo-promote ng foreign military bases katulad ng RP-EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement).
Nauna ng pinuna ni Santiago ang pagbalewala ng Malacañang sa kapangyarihan ng Senado tungkol sa pagpasok sa mga treaty partikular sa EDCA na nilagdaan sa Maynila at Washington noong Abril 2014.