MANILA, Philippines - Hiniling ni Nationalist People’s Coalition (NPC) Rep. Win Gatchalian sa gobyerno na rebyuhin nito ang anti-poverty program dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng mga nagugutom at mahihirap sa bansa.
Sa pinakahuling Social Weather Station (SWS) survey nitong Sept. 2-5 ay lumitaw na 15.7 percent mula sa 3.5 milyong pamilya sa bansa ang nakaranas pa rin ng involuntary hunger.
Malaki ang itinaas ng bilang nito sa Mindanao gayundin sa Balanced Luzon, ayon kay Rep. Gatchalian, senior vice chairman ng House committees on Metro Manila development and on housing and urban development.
Aniya, kahit mayroong Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) ay dapat pa ring gumawa ng short term at medium-term program ang gobyerno upang lunasan ang kagutuman at kahirapan sa bansa.
“Our fellow Filipinos need relief – not in 30 years, not in 20 years – they need relief now,” dagdag pa ng mambabatas na kandidatong senador ng NPC sa 2016 elections.
Kinuwestyon din ni Gatchalian ang napakong pangako ni Pangulong Aquino na inclusive growth dahil lumitaw sa SWS survey na 50 percent o 11 milyong Filipino ang nagsasabing mahirap pa rin sila pagkatapos ng 5 taong Aquino government.
“Self-rated poverty very slowly moved from 53 percent in Q1-Q2 of 2012 all the while that the Philippines was hailed by the World Bank as Asia’s ‘rising tiger’ with a GDP growth at 7.2 percent in 2013 and 6.1 percent last year. But who felt this growth,” wika pa nito.