Ika-5 disqualification case vs Poe isinampa
MANILA, Philippines - Isang panibagong disqualification case ang isinampa laban kay Sen. Grace Poe bunsod na rin ng pagtakbo nito sa presidential elections sa 2016.
Ang ikalimang disqualification case ay inihain ni University of the East College of Law Dean Amado Valdez sa Commission on Elections (Comelec) law department.
Sa 22 pahinang petisyon ni Valdez, hindi umano nakapasa sa residency requirement si Poe, dahil kung pagbabatayan ang kanyang inilagay na haba ng residency sa Pilipinas sa kanyang COC sa pagka-senador noong 2012 lumalabas na nine years and six months pa lamang ang kanyang pananatili sa Pilipinas sa May 2016 na kapos ng anim na buwan para makamit ang requirement na 10 taon.
Kung pagbabatayan naman ang RA 9225 o Citizenship retention and Reacquisition Act, lalabas na naibalik lamang kay Poe ang kanyang Filipino citizenship, subalit hindi ang pagiging natural-born citizen.
Kahit daw mapatunayan ni Poe na siya ay natural born, nawala na iyon nang bitawan niya ang pagkamamamayan ng bansa.
Naniniwala si Valdez na nakagawa si Poe ng material misrepresentation sa kanyang COC nang ideklara niya na siya ay natural born Filipino, at siya umano ay residente sa Pilipinas sa loob ng 10 taon at 11 buwan pagsapit ng halalan 2016.
Una nang naghain ng diskuwalipikasyon sina presidential aspirant Rizalito David, dating DOJ prosecutor Estrella Elamparo, dating Senador Francisco ‘Kit’ Tatad at De La Salle University political science professor Antonio Contreras.
Binigyan diin ni Valdez na naalis na ang natural born status ni Poe noong 2001 at hindi na ibalik pa at kulang na rin ito sa isinasaad na 10 taong paninirahan sa Pilipinas upang kumandidato.
“Once you lose natural born status, you lose it forever, you can’t reacquire it”, ani Valdez.
- Latest