Habag at hustisya, tiniyak ni Roxas sa ‘laglag- bala’ victims
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Liberal Party presidential bet Mar Roxas na paiiralin ang “compassion with justice” lalu na para sa mga biktima ng ‘laglag bala’ sa mga port of entry ng bansa tulad ng Ninoy Aquino International Airport na madalas mabiktima ang mga OFW.
Si Roxas ay kinapanayam ng mga editor ng Philippine Star at Pilipino Star NGAYON sa tanggapan ng dalawang pahayagan sa Port Area, Manila.
Sinabi ni Roxas na bagamat kailangang magpakita ng habag ang administrasyon sa mga biktima ng “laglag-bala” sa NAIA tulad ng OFW na si Gloria Ortinez, dapat ding umiral ang katarungan dahil ang pagdadala ng kahit isang live bullet ng mga biyahero ay ipinagbabawal ng batas. Aniya, hanggang hindi nababago ang batas na ito ay dapat sumailalim sa due process ang mga nahuhulihan ng bala sa mga daungan ng bansa. Pero binigyang diin niya na kung totoong may nagtanim ng bala, dapat managot ang gumagawa ng ganitong iregularidad.
Sa kaso ni Ortinez na kasalukuyang dinidinig pa ang kaso at nabibingit mawalan ng trabaho sa Hong Kong, ang gagawin niya kung siya ang nasa katayuan ni Presidente Aquino ay personal na tatawag sa employer ng apektadong OFW upang ipaliwanag ang sitwasyon at nang hindi mawala ang kanyang inaasahang hanapbuhay. Ipinangako ni Roxas na kung siya ang mahahalal na Pangulo, magkakaroon ng isang “compassionate government” na “walang malakas at mahina” at magkakaroon ng patas na laban ang lahat ng mamamayan, mayaman man o mahirap lalu na sa hustisya.
Binigyang diin din ni Roxas na ang pagsita sa mga may dalang bala, kahit ito’y ginagamit na agimat ay para din sa kapakanan ng mga biyahero para maiwasan na sila’y mahuli sa ibang bansa kung saan ay maaaring mas mabigat ang parusa.
- Latest