MANILA, Philippines – Nakatakdang imbestigahan ng Kongreso ang nawawalang imported Vietnam rice sa Harbour Centre Port.
Si House Committee on Agriculture and Food chairman and Batangas Rep. Mark Llandro L. Mendoza ay nagtakda ng inquiry sa nawawalang tone-toneladang imported rice matapos ibaba sa Harbour Centre Port Terminal Inc. (HCPTI) sa Manila kamakailan.
Kaagad na kumilos si Mendoza, nasa kanyang ikatlo at huling termino bilang congressman at kandidatong gobernador sa Batangas sa May 2016 elections, nang tanungin ang kanyang komite kung ano ang magagawa nito sa nawawalang bigas na binili ng National Food Authority mula sa Vietnam noong Abril.
“Iimbestigahan ng aming komite ang mga ulat na 3,000 sako ng bigas mula sa Vietnam ang ipinuslit mula sa Harbour Centre Port,” sabi ni Mendoza.
Itutulak din aniya ang mabigat na parusa sa sinumang maging guilty sa rice smuggling na makukonsiderang pinakamataas na uri ng economic sabotage.
Sinabi pa ni Mendoza na base sa mga impormasyon na kanyang nakalap, nang hindi matutukoy kung saan nakatago ang nawawalang imported rice, hiniling ng Advocacy Organization Alliance for Good Ph Government (AGPG) sa Philippine Ports Authority (PPA) na hanapin ito.
Pero ang naturang govt. agency ay hindi umano gumawa ng aksyon. Kaya hiniling ni Mario Alegre ng AGPG kay PPA executives Juan Sta. Ana at Raul Santos na imbestigahan ang ulat sa rice smuggling at iba pang illegal activities sa lahat ng communities nationwide.
Suportado naman ni Isabela Rep. Rodito Albano ang pagkilos ng AGPG. Hindi na aniya kailangang rebyuhin pa ang otoridad na ipinagkaloob sa HCPTI na maging isa sa dalawang transhipment hubs sa Manila.
“HCPTI’s warehouse is said to be being used to store imported rice illegally because accordingly, it doesn’t have any written authorization from the NFA. And for that reason, I will ask the House Committee on Agriculture and Food to look into the matter aside from the rice smuggling accusation,” sabi ni Albano.