MANILA, Philippines – Isang negosyante ang nagsampa ng P3.5 milyong damage suit laban kay dating Laguna congressman Edgar “Egay” San Luis dahil sa pagkabigo nitong bayaran ang pinaimprentang mga tarpaulin na ginamit sa pagtakbo nitong gobernador sa lokal na halalan sa Laguna noong 2013.
Ayon kay Marynie C. Balota, may-ari ng Signeffex Art Design na merong tanggapan sa Sta. Cruz, Laguna, nagpaimprenta sa kanila si San Luis ng mga tarpaulin at iba pang campaign paraphernalia noong panahon ng kampanya para sa naturang halalan.
Nakasaad sa kaso na sa P4,790,850 kontratang inabot ng pagpapagawa ng tarpaulin, may natira pang P890,854 pagkakautang si San Luis na tatlong taon na ang nakalilipas ay hindi pa niya binabayaran kahit na makailang ulit na siyang sinisingil ng Signeffex.
Ang 3.5 milyong sinisingil ng Signeffex sa kasalukuyan ay para sa utang na P890,854, legal interest at penalty na P320,707.44, P242,312.29 bayad sa abogado ng Signeffex, P2,000,000 bilang bayad sa moral at P500,000 exemplary damages, at litigation expenses na P100,000. Wala pa rito ang “Cost of Suit”.
Ang kaso ay isinampa sa Regional Trial Court sa Sta. Cruz noong Oktubre 28, 2015. Ang Signeffex at may-aring si Mrs. Balota ay kinakatawan ni Atty. Carlo Gregorio.
Kung matatandaan, si San Luis ay tumakbong gobernador ng Laguna nung 2013 sa ilalim ng Liberal Party (LP). Tinalo siya ni ER Ejercito ng United Nationalist Alliance (UNA). Si San Luis ay inakusahan ding sangkot sa anomalya sa Priority Development Assistance Fund. Nakinabang umano siya mula sa P15 milyong PDAF niya na inilaan niya sa mga pekeng foundations o non-government organizations o NGOs.