MANILA, Philippines – “No sail” zone sa Manila Bay sa Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit na dadaluhan ng 21 head of states at gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa darating na Nobyembre 17-20.
Ayon kay Philippine Navy Spokesman Col. Edgard Arevalo, magsasagawa ng seaborne patrol ang Philippine Navy at Philippine Marines na kabilang sa AFP Task Force-National Capital Region na aayuda sa pagbibigay ng seguridad sa APEC.
Una rito, ipaiiral ang no fly zone sa Metro Manila partikular na sa tapat ng mismong venue ng okasyon habang posible ring ma-jam ang signal ng mga cellular phone.
Mayroon ding seaborne patrol na binubuo ng Navy at Marines na 24 oras sa palibot ng Manila Bay sa buong panahon ng makasaysayang event.
Nasa tabi lamang ng Manila Bay ang mga hotel tulad ng Sofitel, Manila Hotel at iba pa kung saan nakatakdang tumuloy ang 21 world leaders.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, nasa 99% na ang kahandaan ng mga awtoridad para matiyak ang seguridad ng APEC Summit na inaasahang magdadala ng mga investors sa bansa.