MANILA, Philippines – Isinuko ng tinaguriang “Bad Boy” ng pelikulang Pilipino na si Robin Padilla ang apat na matataas na kalibre ng armas na kabilang sa kaniyang koleksyon kahapon sa PNP Headquarters sa Camp Crame.
Bandang alas-12 ng tanghali ng dumating sa tanggapan ng PNP-Firearms Explosives Office (FEO) upang isuko ang mga baril na malapit ng mag-expire ang lisensya.
Ito’y habang nireresolba ang aplikasyon ni Padilla sa License to Own and To Possess (LTOP) para makapag-ingat ng mga armas.
Sa pahayag ni Atty. Rudolf Hurado, legal counsel ni Padilla, minabuti nilang ipa-’safe keeping’ muna ang naturang mga armas na kinabibilangan ng dalawang baby armalite, isang garand rifle at isang cal. 30 ng kaniyang kliyente habang naghihintay pa ng desisyon ng PNP-FEO kung iisyuhan ng LTOP ang aktor dahilan isa ito sa mga rekisitos para makapag-ingat ng mga baril.
Ipinaliwanag ni Hurado na kapag convicted ang isang gun owner ay hindi na ito maaring maisyuhan pa ng LTOP kaya ito’y kanila munang aayusin.
Sa panig ng actor, sinabi nito mas mabuti na ang isuko niya ang kaniyang mga armas dahil baka maapektuhan siya ng Republic Act 10951 o ang bagong Firearms Law.
Aminado naman ang aktor na na-trauma na siya sa pagkakakulong sa Bilibid dahil sa kasong illegal possession of firearms may ilang taon na ang nakalilipas.
Sinabi pa ni Padilla na isa siyang ‘gun collector’ at isa ring cowboy kaya marami siyang armas dahil ang ilan sa naturang mga baril ay ginagamit niya sa kaniyang mga pelikula.