MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong graft si Sen. Lito Lapid at limang iba pa dahil sa 2004 fertilizer fund scam.
Inihain ng Office of the Ombudsman ngayong Huwebes ang kaso laban kina Lapid, Pampanga provincial accountant Benjamin Yuzon at provincial treasurer Vergel Yabut para sa paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Dawit din sa kaso sina Ma. Victoria Aquino-Abubakar at Leolita Aquino, incorporators ng Malayan Pacific Trading Corp. (MPTC) at Dexter Alexander Vasquez, proprietor ng D.A. Vasquez Macro-Micro Fertilizer Resources.
Lumabas sa imbestigasyon ng Ombudsman na bumili ang pamahalaang lokal ng Pampanga ng 3,880 litro ng Macro-Micro Foliar Fertilizer kahit hindi dumaan sa public bidding at kuwestiyonable ang agarang pagbili.
"Vasquez applied for Product Registration with the Fertilizer Pesticide Authority only on August 15, 2005 after the transaction in May 2004 while MPTC has no Certificate of License to Operate and Product Registration," ayon sa Ombudsman.
Nakatanggap ang MPTC ng tinatayang P4.8 milyon para sa fertilizer na nagkakahala ng P1,250 kada litro.
Nalamang hindi bababa sa P1,100 kada litro ang itinubo nito o may kabuuang P4.3 milyon.
Nitong Setyembre ay dalawang dating gobernador, dalawang dating alkade at 20 iba pa ang nakasuhan naman sa P728-milyon fertilizer fund scam.